Nagdesisyon na ang Judicial and Bar Council (JBC) na huwag nang magsagawa ng public interview para sa mga senior justices ng Korte Suprema na nag-apply upang maging susunod na Punong Mahistrado.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, unanimous ang naging desisyon ng JBC ukol dito matapos magkaroong ang dalawang en banc meetings.
Paliwanag ni Guevarra, ito ay dahil madali naman nang malalaman ang judicial philosophy ng isang senior justice mula sa mga court decisions na kanyang isinulat.
Dagdag pa ng kalihim, ilan sa mga SC justices ay kasasailalim lamang sa public interview matapos pagpiliiang ipapalit kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Partikular na tinukoy ni Guevara sina Associate Justice Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, at Andres Reyes, Jr.
Samantala, paglilinaw naman ni Guevarra, posible pa ring magkaroon ng closed-door interview sa mga aplikante sa pagka-Chief Justice kung mayroong kailangang karagdagang impormasyon mula sa kanila, tulad na lamang ng kanilang statement of assets, liabilities and networth (SALN) at iba pang personal na impormasyon.
Nilinaw pa ni Guevarra na tanging ang mga senior associate justices na otomatikong nominado sa pagka-CJ at ang mga associate justices na nagtrabaho sa SC sa loob ng limang taon pataas ang hindi kabilang sa isasailalim sa public interview.
Aniya, ang iba pang mga pagpipilian sa nabakanteng posisyon ng Punong Mahistrado ay kailangan pa ring dumaan sa public interview.