Naitala ang 17.39 percent na pagbaba sa crime rate ng buong bansa sa unang kalahati ng taon ayon sa Philippine National Police.
Ayon kay PNP Chief, Director General Oscar Albaylde, masasabing record-breaking ang bagong datos kung ikukumpara sa crime rate sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang kampanya aniya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga ay malaking kontribusyon sa pagbaba ng mga krimen sa buong bansa.
Ayon pa kay Albayalde, bumaba rin ang insidente ng 8 focus crimes kumpara sa unang kalahating taon ng 2017.
Batay sa datos na hawak ng pulisya, pinakamalaki ang ibinaba sa mga insidente ng pandurukot o theft na bumaba ng 36.90 percent.
Kasunod dito ang pagnanakaw ng sasakyan o carnapping na nabawasan ng 36.30 percent.
34.40 percent naman ang ibinaba sa bilang ng mga insidente ng pagnanakaw o robbery.
Nabawasan ng 33.80 percent ang insidente ng pambubugbog, 29.54 percent sa pamamaslang, 24.82 sa panggagahasa, at 9.47 percent sa homicide.
Huli sa listahan ng PNP ang pagnanakaw ng mga motorsiklo na nabawasan ng 6.61 percent.