Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa tapos ang laban.
Pahayag ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos ibasura ng Makati Regional Trial Court (RTC) ang hiling nilang pag-aresto at hold departure laban kay Senadpr Antonio Trillanes IV para sa kasong kudeta.
Ayon kay Guevarra, parehong nagtagumpay ang magkabilang panig. Sa panig ng DOJ ang pagkatig ng korte na valid at constitutional ang Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa amnestiya ni Trillanes.
Pabor naman aniya ang desisyon sa kampo ng senador dahil sa factual findings ng korte na nag-aaply ito ng amnesty at umamin ng guilt.
Gagawa ng sunod na hakbang ang dalawang panig kung saan ang DOJ ay idudulog ang desisyon ng RTC sa mas mataas na korte habang si Trillanes ay pwede umanong kwestyunin ang bahagi ng ruling na kumatig sa proklamasyon.
Paalala pa ng Kalihim, ang desisyon ng mababang korte ay isang insidente lamang sa mas malaking kaso na nakabinbin sa Korte Suprema.