Hiniling ng isang non-government organization sa Korte Suprema na pigilan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pag-iisyu ng mga bagong lisensya o renewal ng mga lisensya ng mga commercial fishing vessel.
Sa petition for mandamus na inihain ng Oceana Philippines, iginiit nito na nabigo ang Department of Agriculture (DA) at BFAR na isama sa Fisheries Administrative Order ang mga commercial fishing vessel na may bigat na 3.1 at hindi lalagpas ng 30 gross tons sa mga dapat nitong bantayan.
Ito ay sa kabila umano ng itinatakda sa ilalim ng Republic Act 10564 na nag-aamyenda sa Fisheries Code na kasama ang nasabing mga commercial vessel na saklaw ng pangangasiwa ng DA-BFAR.
Bunsod nito, patuloy umano ang ilegal na pangingisda ng mga nasabing commercial fishing vessel sa municipal waters na nakakaapekto na sa kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
Giit pa ng grupo, nagreresulta rin ang ilegal na pangingisda ng mga commercial fishing vessel sa mga municipal water sa overfishing.
Kaugnay nito, inihihirit ng grupo sa Korte Suprema na atasan nito ang DA-BFAR sa pamamagitan ng pagpapalabas ng writ of continuing mandamus na bumalangkas ng panuntunan sa vessel monitoring na sasakop sa mga commercial fishing vessel na may 3.1 hanggang 30 gross tonnage.
Pinangalanang respondent sa petisyon sina DA Secretary Emmanuel Piñol at BFAR National Director Eduardo Gongona.