Panukalang multa sa nuisance candidates, tinutulan ng isang Comelec commissioner

Hindi sang-ayon si Commissioner on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon sa panukala na parusahan ang mga “nuisance” o panggulong kandidato sa eleksyon.

Ayon kay Guanzon, tutol siya sa panukala ni Senador Sherwin Gatchalian dahil posibleng hindi na tumakbo ang mga indibidwal na maituturing na “underprivileged” o kapos sa pinansyal na aspeto.

Matatawag din umano na “discriminatory” ang nasabing panukala. Trabaho rin naman aniya ng Comelec na salain kung sino ang mga maituturing na “nuisance candidate.”

Layunin ng panukala ni Gatchalian na patawan ng P50,000 na multa ang mga indibidwal na madedeklara bilang “nuisance.”

Una na ring naghayag ng pagkabahala sa panukala si Comelec spokesperson James Jimenez dahil sa posibilidad na magdulot ito ng “chilling effect” sa mga nais na tumakbo sa gobyerno.

Sa ilalim ng Section 69 ng Omnibus Election Code, itinuturing na panggulo ang isang kandidato kung layunin nitong hiyain ang proseso ng eleksyon sa bansa o magdulot ng kalituhan sa mga botante.

Read more...