21 katao arestado sa Antipolo, Rizal

Timbog ang 21 na katao sa ikinasang anti-drugs operation sa Antipolo, Rizal, Sabado ng hapon.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region Eastern District, PDEA Rizal, Philippine National Police Rizal at Antipolo ang tatlong bahay sa bahagi ng Imburnal Compound, Barangay Mayamot.

Ayon kay PDEA Rizal Agent Roberto Sebastian, tatlong linggong binantayan ng otoridad ang magkakamag-anak na suspek.

Nakuha sa mga bahay ang mga droga at ilang drug paraphernalia.

Ayon pa kay Sebastian, isang alyas Isok ang sinasabing nagsusuplay ng droga sa lugar.

Isa si Isok sa mga may-ari ng mga hinalughog na bahay.

Madalas aniyang bumibili at gumagamit ng droga sa lugar ang ilang residente sa Marikina, Cainta at Antipolo.

Itinanggi naman ni Isok na sa kaniya ang mga nakuhang droga sa isang pouch at hindi rin aniya siya gumagamit ng ilegal na droga.

Samantala, nakatakdang sumailalim sa drug test ang mga nahuli maging ang mga nakumpiskang droga sa lugar.

Read more...