Pati diesel at kerosene ay tapyas din ng tig-P0.90/L nitong Linggo. Noong Martes, nag-rollback din ng P0.85/L sa gasolina P0.65/L sa diesel at P0.20/L sa kerosene.
Nangako ang Malakanyang na sususpindihin ang “excise taxes” bago mag-Enero 2019 kung mananatiling mataas sa $80/barrel ang Dubai crude. Pero, iba na naman ang sitwasyon dahil bumaba ang presyo at ayon sa mga oil analysts, mananatili ito at posibleng maging $76 hanggang Abril 2019.
Magbabago ba ng isip ang Malakanyang at babawiin ang pangako?
Kapag sinuspindi, hindi na magdaragdag sa Enero ng P2/L sa diesel at gasolina at P1/L sa LPG. Ayon sa TRAIN LAW, pintawan ng excise tax ang diesel ng P2.50/L ngayong 2018, magiging P4.50/L sa 2019 at P6/L sa 2020. Ang regular at premium gasoline ay tumaas ng P7/L ngayong taon, magiging P9/L sa 2019 at P10/L sa 2020. Ang LPG ay tumaas na ng piso, dagdag na naman ng piso sa 2019 at piso muli sa 2020.
Pero, iba ang sinasabi ng mga economic managers ng Duterte administration tulad ni Finance Sec. Carlos Dominguez. Kung masuspindi ang “excise tax”, unang-unang tatagpasing gastos ay ang “free college tuition” sa mga state colleges at universities. Ito’y dahil mawawalan ang gobyerno ng P41-B “revenues” mula sa additional excise tax. Masakit pero, wala tayong magagawa at kapit sa patalim ang sitwasyon lalot sobra talaga ang nilipad ng presyo ng Langis sa nakaraang mga buwan.
Sana lang, rebisahin muna ng Department of Energy ang umiiral na “fomula” na gamit sa “computation” ng “Mean of Platts Singapore.” Pareho-pareho ang presyo ng mga oil companies, at parang hindi na naglalaban-laban o pababaan. Ano ang nangyari sa “deregulation” at lalong naghahari ngayon ang mga kumpanya ng langis?
Bago matapos ang Oktubre, ipapatupad na ang Suggested Retail Price (SRP) sa mga presyo ng bigas. Ito ang mga sumusunod “P38-39 sa Local Regular milled rice”, “P40—41 sa Local Well milled rice” at “P42-44 sa Whole grain Head rice”. Lahat daw ng bigasan ay magiging ganito ang klasipikasyon at presyo, kaya’t hindi na lilitaw ang mga pangalang “sinandomeng, Angelica, Dinorado, Jasmine at iba pa.
Bawal na rin ang pagbebenta ng mga bigas sa “open containers” at ilalagay na ngayon sa mga “vacuum sealed bags” na may pangalan ng mga farmers na nagtanim ng bigas, contact number at lugar ng miller.
Sinumang lalabag na retailer ay mumultahan ng P2-M pesos sa ilalim ng Price Act, ayon kay DTI Director Lilian Salongga. Ayon sa kanya, makukulong din ang lalabag ng hindi hihigit sa isang taon.
Ang paghihigpit ng gobyerno ay isinagawa kasabay ng pagbaha ng bigas na halos 2.4 M metriko tonelada ang ipinasok sa bansa. Inalis na rin ng gobyerno ang paghihigpit sa importasyon ng bigas at kahit sinong kumpanya ay pwede nang magpasok ng bigas.
Ang ganitong mga aksyon ay oobserbahan natin. Sa totoo lang , gusto kong makitang may nakukulong na lumalabag sa SRP o PRICE ACT. Para magkaalaman na talaga.