Dahil sa pagiging sikat ng tanim-bala scheme sa Ninoy Aquino International Airport, naka-isip ang game developers na gumawa ng mobile game application base dito.
Ginawa ng developer na “Kulit Games”, ang larong “Bullet Planter” ay mayroong size na 15 megabytes na maaaring i-download ng mga Android users sa pamamagitan ng Google Play.
Para magkaroon ka ng points, kailangan mo lang igalaw ang character papunta sa kanan o kaliwa upang maiwasan ang mga nilalaglag na bala ng mga airport security officials sa bitbit mong bagahe.
Kapag naman hindi ka nagtagumpay at nalagyan ka ng bala, magbabayad ka ng $1,000.
Naging mainit ang kontrobersyal na tanim bala sa NAIA makaraang magreklamo ang ilang mga pasahero ng eroplano na tinataniman umano sila ng bala sa kanilang bagahe ng ilang mga tiwaling airport security personnel at kinokotongan upang hindi na maabala pa sa byahe.
Naging tampok din sa maraming ‘meme’ sa internet ang naturang kontrobersiya./Kathleen Betina Aenlle