Fuel excise taxes dapat nang tuluyang suspindihin, ayon sa isang grupo

Hinimok ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang gobyerno na tuluyan nang suspendihin ang excise taxes sa mga produktong petrolyo.

Ito’y kasunod ng pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa fare hike ng mga pampublikong jeepney at bus.

Ayon kay Ariel Inton, ang presidente ng LCSP, hindi lamang ang ikalawang tranche ang dapat suspindihin, kundi maging ang unang tranche na kasalukuyang ipinapataw sa fuel products sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Ani Inton, malinaw na pabigat sa mga komuter ang dagdag-singil sa pasahe.

Kaya aniya humihirit ng taas-pasahe ang transport sector ay dahil sa pagpapataw ng excise taxes sa produktong langis.

Giit pa ni Inton, isang pagkakamali ang pag-iimpose ng fuel excise tax at hindi na-foresee ng Duterte administration ang epekto nito sa inflation, at syempre sa milyong-milyong mananakay sa buong bansa.

Higit sa lahat, hindi aniya kailangan ng transport sector at mga commuter ang patse-patseng solusyon ng gobyerno, dahil ang dapat gawin ay mapababa ang halaga ng mga produktong petrolyo.

Pumapanig naman ang LCSP sa dissenting opinion ni LTFRB board member Atty. Aileen Lizada ukol sa jeeney and bus fare increase.

Ani Inton, may punto si Lizada sa pagsasabing dapat binigyan muna ng panahon bago aprubahan ang fare hike, lalo’t ramdam ang epekto ng mataas na inflation rate.

Read more...