Si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary mar roxas ang mahigpit na makakalaban ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 Presidential Elections.
Ito ang tahasang inihayag ni Paranaque 2nd District Rep. Gus Tambunting, sa live guesting nito sa programang “Isyu ng Bayan” nina Ricky Brozas at Lisa Soriano.
Katwiran ni Tambunting, na kilalang kaalyado ni Binay, batid naman ng lahat na may residency issue si Senadora Grace Poe, na magiging balakid sa pagsabak niya pampanguluhang halalan sa susunod na taon.
Bunsod nito, tiyak aniya na ang matinding kalaban ni Binay ay si Roxas na, batay na rin sa lakas ng makinarya nito at partido.
Gayunman, sinabi ni Tambunting na hindi rin dapat maliitin si Davao city rep. Rodrigo Duterte na matunog ding sasabak sa Presidential Race.
Ayon sa Kongresista, kwalipikado naman si Duterte pero depende pa rin sa machinery at campaign strategy nito kung kakayanin niyang tapatan si Binay.
Grace Poe hindi pa uubra sa pagka-Pangulo
Samantala, naniniwala si Tambunting na hindi talaga uubrang sumabak sa 2016 Presidential o Vice Presidential race si Senadora Grace Poe.
Ipinaalala ni Tambunting ang residency issue laban kay Poe.
Ani tambunting, kung pagbabasehan ang konstitusyon, hindi pasok sa minimum 10-year residency requirement si Poe para kumandidato bilang Pangulo o Ikalawang Pangulo.
Giit pa ng Kongresista, mismong ang mga taga-liberal party ang nagsabi na hindi pa pwedeng tumakbo si Poe sa 2016 Presidential o Vice Presidential race, dahil bitin ang residency nito.
Payo na lamang ni Tambunting sa lahat ukol sa Poe issue, mas marapat na tingnan at pag-aralan ang usapin at isa-alang-alang ang saligang batas, at hindi ang personalidad o partido. / Isa Avendaᾑo-Umali