Dagdag na pamasahe sa pampasaherong bus, aprubado na ng LTFRB

Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional fare hike para sa mga pampasaherong bus.

Sa kautusan ng LTFRB, para sa ordinary buses sa Metro Manila, mula sa kasalukuyang P10 na minimum fare sa unang 5-kilometro, ay magiging P11 na ang pamasahe.

Habang mananatili naman sa P1.85 o walang dagdag para sa succeeding kilometers.

Sa air-conditioned buses sa Metro Manila naman, mula sa kasalukuyang minimum fare na P12 ay magiging P13 na ang minimum sa unang 5-kilometro at mananatili sa P2.20 ang singil sa succeeding kilometers.

Sa provincial buses naman na ordinary, walang idinagdag sa minimum fare na kasalukuyan ay P9. Gayunman, ang bawat succeeding kilometer ay magiging P1.55 na ang singil mula sa dating P1.40.

Ang air-conditioned buses naman na provincial may magkakaibang halaga ng dagdag sa bawat succeeding kilometer depende sa uri ng bus.

– Regular Aircon Bus – P1.75/km (mula sa dating P1.60/km)
– De Luxe Aircon Bus – P1.85/km (mula sa dating P1.70/km)
– Super de Luxe Aircon Bus – P1.95/km (mula sa dating P1.80/km)
– Luxury Action bus – P2.40/km (mula sa dating P2.25/km)

Inatasan ng LTFRB ang mga bus operators at drivers na ipatupad ang 20 percent discount para sa mga senior citizens, estudyante, at PWDs.

Kailangan din nilang ipaskil ang kanilang fare matrix na inisyu ng LTFRB sa loob ng kanilang mga bus na dapat ay madaling makita at mabasa ng mga pasahero.

Ang mga walang fare matrix ay hindi pwedeng maningil ng bagong halaga ng pamasahe.

Ang naturang kautusan ng LTFRB ay isasapubliko muna at matapos mai-publish ay bibilang ng 15 araw bago tuluyang maging epektibo.

Read more...