Sen. Lito Lapid kinasuhan ng Ombudsman ukol sa fertilizer fund scam

lito-lapid
Inquirer file photo

Sinampahan ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si Senador Lito Lapid kaugnay ng fertilizer fund scam na ang pera ay napunta raw sa kanyang tanggapan noon siya pa ang Gobernador sa lalawigan ng Pampanga.

Bukod kay Lapid, sinampahan din nga kaso sina Benjamin Yuzon, provincial accountant; at Vergel Yabut, treasurer ng Pampanga; Ma. Victoria Aquino-Abubakar at Leolita Aquino, incorporators ng Malayan Pacific Trading Corp.; at Dexter Vasquez, proprietor ng DA Vasquez Macro-Micro Fertilizer Resources.

Nagsabwatan umano ang mga akusado noong Mayo 2004 sa pagbili ng overpriced na fertilizer.

Umabot sa 3,880 na litro ng Macro-Micro Foliar Fertilizer ang binili ng Pampanga government sa DAVMMFR at ipinamigay ng MPTC.

Nadiskubre na hindi dumaan sa public bidding ang pagbili at pinalabas sa sertipikasyon ni Lapid na wala ng ibang maaaring substitute ang kanilang binibili kaya pumasok ito sa direct purchase.

Kinuwestyon din ng Ombudsman ang mabilis na delivery at pagbabayad sa proyekto na tumagal lamang ng 14 araw.

Noong Agosto 15, 2005 lamang din umano nag-apply ng Product Registration si Vasquez sa Fertilizer Pesticide Authority pero ang kontrata ay nangyari noong Mayo 2004.

Inirekomenda ang 30,000 pesos na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.

Read more...