Malaki ang naging papel Davao City Mayor Sara Duterte para kupkupin ng People’s Reform Party (PRP) si Atty. Harry Roque sa pagtakbo niya bilang senador sa midterm elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Roque na ang desisyon naman niya talaga ay tumakbong senador gayunman, wala siyang national party na kinaaniban.
Dahil dito, kinausap aniya ni Mayor Sara si Secretary Jun Santiago, ang mister ng namapayang si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
“Itong PRP (People’s Reform Party) po kasi ito po ay inayos ni Mayor Inday Sara kasi ang problema ko noon ako lang ang taga-Hugpong na walang Partido Nacional. Nagkausap si Sec. Jun Santiago at si Mayor Sara, so hinihingi na ni Mayor Sara na kung pupwede ang PRP ang mag-isyu ng CONA sa akin. Ang puso ko talaga ay para tumakbo ng senado. Nagkaroon lang talaga ng isyu sa offer ni presidente na mag-press secretary, ime-merge nga ang PCOO at Office of the Presidential Spokesperson. Doon lang ako medyo nagkaroon ng pagsusubok kung ano magiging desisyon at naging napakahirap ng proseso na dinaanan ko bago ako nagkaroon ng paninigan na dapat ituloy na lang at bumalik na lang sa kongreso,” ayon kay Roque.
Umaasa naman si Roque na makukuha niya ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagtakbo bilang senador.
Ito ay kahit sinabihan mismo ni Duterte si Roque na hindi ito mananalong senador dahil galit sa kaniya ang mga sundalo.
Ani Roque, naniniwala siyang naging mabuti naman ang kaniyang paglilingkod bilang tagapagsalita ng pangulo sa loob ng isang taon kaya umaasa siyang ieendorso ng pangulo ang kaniyang kandidatura.
“Nung nagkausap po kami ang sabi niya sa akin sige tumakbo ka, so ang pagkakaintindi ko po doon, ang konteksto ng kung mananatili as press secretary o pupwede nang tumakbo, so sa akin nung sinabi niyang sige tumakbo ay basbas po sa akin iyon n agaiwn ang aking gusto. Siyempre po inaasahan po natin na suportahan tayo ng presidente dahil nanilbihan naman po tayo ng napakabuti. Kaya nga po nakayanan natin iyon kasi ang alam ko one year, so talagang binuhos po natin ang lahat ng kaya nating gawin para maging mabuti ang ating panilbihan. Inaasahan ko po na kahit papaano dahil doon ay maieendoroso tayo ng ating presidente pero nasa presidente pa din po iyan,” dagdag pa ni Roque.