61-anyos na taxi driver sugatan matapos holdapin ng pasahero sa Marikina

Credit: Marikina City Police

Nasugatan ang senior citizen na taxi driver makaraan itong holdapin ng kaniyang pasahero sa Marikina City.

Agad namang nadakip ng mga pulis ang suspek matapos idaan ng driver sa checkpoint ang taxi.

Kuwento ng 61-anyos na biktima, pasado alas 10:00 ng gabi nang sya ay mamasada at naisakay niya ang suspek sa Cubao at nagpahatid ito sa Marikina.

Pagdating sa Barangay San Roque ay nagdeklara ng holdap ang pasahero at tinutukan siya ng patalim.

Saktong may nadaanang Oplan Sita ang taxi kaya nakapagsumbong ang biktima sa mga pulis.

Nasugatan ang biktima sa palad dahil sa pagsalag nito sa kutsilyong gamit ng suspek.

Ayon kay Senior Insp. Darius Agmaliw ng Marikina City police, maliban sa patalim nakuhanan din nila ng 3 sachet ng hinihinalang shabu ang suspek na mahaharap sa mga kasong robbery/holdup, physical injuries, at possession of dangerous drugs.

Read more...