Adamson nakabawi sa UAAP men’s basketball matapos talunin ang NU

Back on track ang Adamson University Soaring Falcons matapos magwagi kontra National University Bulldogs sa kanilang naging tapatan kagabi para sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament.

Natapos ang laro sa iskor na 69-58 pabor sa Falcons.

Dahil dito, tie na muli ang Adamson at Ateneo de Manila University Blue Eagles sa top spot ng torneo na kapwa mayroong 6-2 win-loss record.

Pangpito naman ang Bulldogs sa kanilang 2-6 card.

Matatandaang dalawang magkasunod na talo ang natamo ng Falcons matapos ang laban kontra Far Eastern University Tamaraws at De La Salle University Green Archers.

Si Jerrick Ahanmisi ang nakapagtala ng team-high score na 21 points na sinundan naman ni Papi Starr sa kanyang 16 points.

Para naman sa NU, si Dave Ildefonso ang nanguna na mayroong 21 puntos.

Samantala, suspended sa torneo sina Thirdy Ravena ng Ateneo, Arvin Tolentino ng FEU, at Javi Gomez De Liaño ng UP matapos magkaroon ng mga kanya-kanyang foul sa kanilang huling mga laro.

Kapwa sa tig-isang game masususpinde sina Ravena at De Liaño. Habang si Tolentino naman ay suspended sa dalawang laban.

Babala ng UAAP kay Tolentino, posible siyang masuspinde sa nalalabing bahagi ng torneo kung muli siyang makakakuha ng disqualifying foul.

Read more...