Hindi lamang sa pambansang lebel mainit ang paghahain ng certificate of candidacy.
Sa nakalipas na apat na araw, naging kontrobersyal din ang mga personalidad na naghain ng kandidatura sa local elections.
Sa lungsod ng Makati, tatakbo si incumbent 1st district Representative Monsour del Rosario bilang running mate ni dating Makati City Mayor Jejomar ‘Junjun’ Binay Jr.
Si Del Rosario ay nakilala sa pagiging isang taekwondo champion at aktor.
Inaasahang magiging mainit ang tapatan sa lungsod ng Makati sa susunod na taon dahil dalawang Binay ang maglalaban sa pagka-alkalde.
Samantala, tatakbo naman bilang Congressman ng 5th district ng Leyte si Marilou Veloso-Galenzoga Baligod.
Dalawang beses na itong nabigo sa mayoralty race ng Baybay City.
Isa ang Baybay City sa mga lungsod na idineklara nang drug-free ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Eastern Visayas.
Naghain naman ng kandidatura para sa pagka-bise gobernador ng lalawigan ng Zambales si Subic Mayor Jay Khonghun.
Si Khonghun ay ang nobyo ng aktres na si Aiko Melendez.
Nasa ikatlong termino na ng pagiging alkalde ng Subic si Khonghun na nagsimula noon pang 2010.
Tatakbo naman bilang bise-alkalde ng Cainta, Rizal ang aktor na si Gary Estrada.