Sinupalpal ng Department of Finance ang panukala ni Senador Grace Poe na suspendihin ang excise tax sa oil products.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Finance Asec. Tony Lambino na kinakailangan munang bumalangkas ng bagong batas ang kongreso para maisakatuparan ang panukala ni Poe.
Nanindigan pa si Lambino na wala sa kasalukuyang batas sa excise tax ang probisyon para magpatupad ng rollback.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) law, tumaas ng dalawang piso at limampung sentimo ang presyo ng oil products kada litro dahil sa fuel excise tax at muli itong tataas ng anim na piso sa susunod na tatlong taon.
Nauna nang nanawagan ang ilang mga mambabatas na ipagpaliban muna ang nakaambang panibagong pagtataas sa excise tax sa petrolyo bahagi pa rin ng Train law sa susunod na taon.