Walang naitatalang anumang insidente ng karahasan ang Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato para sa 2019 midterm elections.
Ito ang inihayag ni PNP spokesperson Chief Superintendent Benigno Durana Jr. sa panayam ng Radyo Inquirer ngayong ikaapat na araw na ng COC filing.
Ayon kay Durana, sa nakalipas na mga araw naging mapayapa ang paghahain ng COC at walang naitatalang untoward incidents ang PNP.
“So far during the past few days wala pa naman tayong nakitang untoward incidents although may mga shooting incidents tayong nakikita, I think mga two or three. But based on our review of all the reports coming in from different police offices all over the country, generally, napaka-peaceful naman, in terms of any untoward incidents in relation on the filing of the COC wala pa naman tayong nakita so far,” ani Durana.
Sa Mindanao naman sinabi ni Durana na malaki ang tulong ng pag-iral ng martial law kaya napapanatiling mapayapa ang filing ng COC.
Dahil aniya sa martial law, ay nabawasan kung ‘di man nasawata ng tuluyan ang paglaganap ng private armies at loose firearms.
“Malaking tulong po iyan, dahil alam niyo naman based on the culture, maraming factors why there are proliferation of armed men at proliferation of loose firearms in that area. Ang kultura, ang gun culture in that area, not only in that area but all over in the country, probably more intense and more magnified in that part of the Philippines. Kaya nga itong batas militar na ipinatupad eh ngayon ang siga na lang doon talaga ay ang ating uniformed personnel ang PNP at Armed Forces of the Philippines,” dagdag pa ni Durana.