Minaliit ni Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya ang posibilidad na mayroong sindikato sa likod ng “tanim-bala scam” na nagaganap sa mga paliparan sa bansa kabilang na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Abaya, wala pang sapat na ebidensyang maaring magpatunay na mayroon nga talagang sindikatong namumuno sa pangingikil sa mga pasahero sa pamamagitan ng pagtatanim ng bala sa kanilang mga bagahe.
Sa kabila nito, hinikayat pa rin niya ang mga mambabatas na siyasatin ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Batay sa records ng Office for Transportation Security (OTS), simula 2012 may higit sa 6,600 na tao na ang naaresto dahil sa iligal na pagdadala ng bala sa mga paliparan sa buong bansa.
Samantala, sinabi ni Abaya na ipinauubaya na niya sa kamay ng mga mambabatas ang posibleng pag-amyenda sa batas na ito, tulad ng decriminalization sa pagbibitbit ng tatlo o mas kaunti pang bala.
Iginiit naman ni OTS Administrator Roland Recomono na ngayon lang niya napag-alaman ang tungkol sa modus na tanim-bala, dahil simula noong 2012, wala namang ganitong uri ng pangingikil na naidudulog laban sa kaniyang mga tauhan.