Makati judge na may hawak ng kaso ni Sen. Trillanes, hindi pini-pressure – DOJ

 

Presidential photo

Pinabulaanan ng Department of Justice o DOJ ang alegasyong pini-pressure ng gobyerno si Makati RTC Branch 148 Presiding Judge Andres Soriano kaugnay sa kasong kudeta ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, walang katotohanan ang alegasyong iyon ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano.

Giit ni Guevarra, hindi nakikipag-ugnayan ang DOJ kay Judge Soriano, maliban na lamang kung mayroon silang inihahaing pleadings o argumento sa “open court.”

Puna ng DOJ Chief, ang alegasyon ni Alejano ay malamang na layong guluhin ang maayos na administrasyon ng hustisya.

Aniya pa, hindi tama na siraan ang integridad at professionalism ng DOJ at mga state prosecutor.

Nauna nang sinabi ni Alejano na kumpiyansa siyang magbibigay ng tamang desisyon si Judge Soriano, sa kabila ng nakuha niyang impormasyon na matindi raw ang pressure sa nasabing hurado.

Ayon pa kay Alejano, matindi ang naging pressure noon kay Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda, na humahawak ng kasong rebelyon ni Trillanes.

Ang dalawang kaso ni Trillanes ay nabuhay, makaraang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya ng senador.

 

Read more...