Inaasahang libu-libong pilgrims sa iba’t ibang panig ng mundo ang tutungo sa Saint Peter’s Square upang tunghayan ang canonization rites.
Ang dalawa ay kabilang sa limang iba pa na idedeklarang santo kabilang ang isang binatilyong Italyano na nasawi dahil sa bone cancer sa edad na 19 at isang madreng German.
Personal para kay Pope Francis ang canonization nina Pope Paul VI at Oscar Romero dahil sila ay naging salamin ng simbahan sa pagiging malapit sa mga mahihirap at paglaban sa kawalan ng katarungan.
Makailang beses na ring ipinahayag ng Santo Papa ang kagustuhang gawing santo ang dalawa sa ilalim ng kanyang liderato.
Nabuo ang pundasyon ng buhay-pari at Heswita ni Pope Francis o dating Cardinal Jorge Mario Bergoglio sa pamumuno ni Pope Paul VI mula 1963 hanggang 1978.
Si Paul VI ang namuno sa huling mga yugto ng pagbuo sa Vatican II na naging instrumento para mas magbukas ang Simbahang Katolika sa mundo.
Sa pamamagitan ng Vatican II ay napalawig ang liturhiya at maipagdiwang ito sa bernakular.
Sa pamamagitan din ng Vatican II ay nabigyan ng mas mahahalagang papel ang mga layko at napaganda ang relasyon sa mga taong may ibang paniniwala.
Marami ring ipinatupad na reporma si Paul VI kabilang ang Papal Visits.
Sa katunayan, narating ng dating Santo Papa ang limang kontinente.
Makailang beses ding binigyang pugay ng Santo Papa si Archbishop Romero na matagal niya nang gustong gawing santo.
Naniniwala si Pope Francis na isang tunay na martir ang arsobispo na ibinigay ang kanyang buhay para ipaglaban ang karapatan ng mga mahihirap sa El Salvador at tutulan ang karahasan sa ilalim ng diktadurya.
Nasawi si Romero matapos barilin habang nagdiriwang ng misa noong Marso 24, 1980.