Task Force TaLaBa binuo para imbestigahan ang “tanim-bala”sa NAIA

31naia2
Inquirer file photo

Bumuo na ang Department of Justice ng isang team mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na mag-iimbestiga sa sunod-sunod na kaso ng laglag bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Base sa Department Order no. 887 na nilagdaan ni Justice Sec. Ben Caguioa, tatawagin ang team bilang Task Force TaLaBa (Tanim Laglag Bala) na pamumunuan ni NBI Head Agent Manuel Antonio Eduarte.

Binigyan ng 15-days ang nasabing grupo para makapag-sumite ng kanilang ulat at rekomendasyon sa Department of Justice.

Lahat ng mga tao na may kinalaman sa screening, security at airport service ay isasalang sa pagtatanong ng grupo base sa direktiba ng DOJ Secretary.

Kabilang sa kanilang mga bubusisiin ay ang mga kuha ng mga CCTV sa loob ng paliparan, ilang mga audio recordings at sworn statements ng mga nahulihan ng bala, mga tauhan ng Office for Transportation Safety at PNP. Aviation Security Group.

Samantala, sinabi naman ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na mas makabubuting hintayin na munang matapos ang Department of Transportation and Communications sa kanilang imbestigasyon sa isyu.

Umapela rin sa publiko ang tagapagsalita ng pangulo na huwag lagyan ng kulay-pulitika ang nasabing mga pangyayari.

Nauna dito ay pinulong mismo ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga opisyal ng DOTC, Manila International Airport Authority (MIAA) at Office for Transport Security para personal na alamin kung ano ba talaga ang katotohanan sa likod ng laglag bala.

Read more...