QCPD, may pakiusap sa mga supporter ng mga maghahain ng COC

Chief Supt. Joselito Esquivel, QCPD director (Photo by EDWIN BACASMAS / Philippine Daily Inquirer)

May pakiusap ang Quezon City Police District o QCPD sa mga tagasuporta ng mga kandidatong maghahain ng certificate of candidacy o COC para sa 2019 midterm elections.

Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel, sana’y maging mahinahon ang supporters ng mga kandidato.

Iwasan aniya ng mga ito na gumawa ng mga aksyon o bagay na magdudulot ng gulo na maaaring samantalahin ng ibang tao o magsabotahe sa sitwasyon.

Sinabi ni Esquivel na ang unang araw ng COC filing sa Quezon City ay maayos, at nagpapasalamat siya dahil ang lungsod ay isa sa mga lugar na mapayapa sa panahon ng eleksyon.

Ito umano ang rason kung bakit hindi na kinailangang magtaas ng alerto.

Gayunman, lagi aniya handa ang QCPD sa kahit anong mangyari at patuloy na magbabantay ang mga pulis.

Ani Esquivel, bago pa man ang filing ng COC ay naglagay na sila ng Police Assistance Desk malapit sa Comelec field office. Mayroon ding patrol cars at tactical motorcycle riders na malapit sa lugar para magmonitor at magpanatili ng kapayapaan.

Patuloy din aniya ang koordinasyon sa mga Comelec personnel para sa matiwasay na filing ng kandidatura.

Read more...