SGMA, nasa likod ng pagbabalik sa komite ng draft federal constitution ayon kay Rep. Del Mar

Kinumpirma ni Cebu Rep. Raul Del Mar na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo mismo ang nag-utos na itama ang draft ng federal constitution.

Ayon kay Del Mar, iginiit ni Speaker GMA na baguhin ang probisyon ng draft federal constitution sa line of succession kung saan iniitsapwera ang Bise Presidente at ipinapasa sa Senate President ang paghalili sa pangulo ng bansa sakaling mamatay o magbitiw ito.

Ang probisyong ito ay pinalagan ng marami lalo na ng oposisyon kasama na si Vice President Leni Robredo.

Paliwanag ni Del Mar, maging siya ay naniniwala na mali ang probisyon na inalis ang pangalawang pangulo sa line of succession.

Wala naman anyang uncertainty sa pulitika na kailangang tugunan ng probisyon.

Hindi bilib si Del Mar sa mga nagtulak ng probisyong ito na mas mabuting ang senate president ang una sa line of succession dahil hindi pa malinaw ngayon kung sino kina Robredo at dating senador Bongbong Marcos ang kakatigan ng Presidential Electoral Tribunal.

Nakasaad sa Section 4, Article XVII o sa transitory provision ng draft constitution na sakaling mabakante ang posisyon ng pangulo dahil sa pagpapatalsik, pagbibitiw, pagkamatay o permanent incapacity ang Senate President ang magiging pangulo hanggang makapili ng kwalipikadong pangulo.

Read more...