Base sa intelligence report na may petsang September 12, 2018 na ipina-declassify ng pangulo at ipinamahagi sa Malacanang Press Corps, kabilang sa drug matrix sina Director Ismael Gonzales Fajardo Jr., na nasibak na sa puwesto bilang Deputy Director General for Administration ng PDEA noong September 14 dahil sa pagkawala ng P6.8 billion na halaga ng shabu.
Kilala si Fajardo sa drug community bilang scorer at recycler ng ilegal na droga.
Ayon sa drug matrix ng pangulo, naging miyembro ni Fajardo si Police Senior Supt. Eduardo Paderon Acierto, na dating officer in charge ng PNP Anti-illegal Drugs Group.
Matatandaang binuwag ni Pangulong Duterte ang PNP Anti-Illegal Drugs Group matapos madawit ang ilang mga pulis sa pagpatay sa Korean na si Jee Ick Joo sa loob mismo ng Camp Crame.
Nakalusot si Acierto at hindi nakasuhan ng command responsibility dahil binuwag na ni Pangulong Duterte ang naturang unit.
Kasama rin sa matrix at naging tauhan ni Fajardo sina Police Senior Supt. Leonardo Ramos Suan; Police Supt. Lorenzo Cusay Bacia; Police Insp. Lito Torres Pirote; Police Insp. Conrado Hernandez Caragdag; at SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag.
Si Fajardo ang mastermind sa paggawa ng mge pekeng drug raid sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang pagkakaaresto kay Lt. Colonel Ferdinand Marcelino sa Maynila noong 2016.
Sa drug matrix ng pangulo, inirekomenda na imbestigahan ang mga dawit na opisyal at isalang sa lifestyle check matapos maging kwestyunable ang kanilang biglang pagyaman.
Nabatid na ginawa ang special report matapos magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee noong September 11, 2018 kung saan na-cite for contempt for perjury si Jimmy Guban ang intelligence officer ng BOC kaugnay sa pagkawala ng P6.8 billion na halaga ng smuggled shabu.