Inilatag ng Commission on Election ang panuntunan sa sistema ng paghahain ng certificate of candidacy o COC para sa national position.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez, apat na katao lamang ang maaaring isama ng isang senatorial candidate sa paghahain ng COC sa ikatlong palapag ng tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.
Sa mga party list na maghahain ng certificate of nomination o CONA, hanggang 10 katao lamang ang maaaring isama sa ikawalong palapag ng Comelec.
Paalala naman ni Jimenez sa media, hindi na sila maglalabas ng accreditation sa filing ng candidacy at Comelec pass na lamang ang kanilang ibibigay, limang pass lang sa TV network, 2 sa print, 2 sa social media.
Transferrable aniya ang nasabing pass kaya maaaring gamitin ng iba pang miyembro ng isang network.
Bukas, alas 8:00 ng umaga ang simula ng filing ng COC at CONA hanggang alas-5 ng hapon.