VP mananatiling kahalili ni Duterte ayon sa kampo ni Robredo

Inquirer file photo

Pinalagan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang panukala sa Kamara na huwag isama ang nakaupong pangalawang pangulo sa “line of succession” sa ilalim ng isinusulong na federal government.

Sa isang statement, sinabi ni Atty. Romulo Macalintal, ang legal counsel ni Robredo, hindi mangyayari ang nasasaad sa naturang panukala na mistulang mag-aalis kay Robredo bilang unang kapalit ni Presidente Rodrigo Duterte, sa oras na may mangyari rito o hindi na kayang magampanan ang trabaho.

Ani Macalintal, malinaw na “political calisthenics” ang proposal ni Leyte Rep. Vicente Veloso.

Puna pa ng kilalang election lawyer, kailan pa maaaring gawin basehan ng “succession” para sa pinakamataas na posisyon sa bansa ang isang electoral protest, gaya ng isinampa ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay VP Leni.

Diin ni Macalintal, ang panukala ni Veloso ay walang basehan at hindi nararapat na kinukunsidera.

Kaugnay nito, kinuwestyon ni Macalintal na sa kabila ng pahayag ng Malacañang na mas malakas pa sa kalabaw si Pangulong Duterte, bakit parang nagpapahiwatig daw ang mga kaalyado ng punong ehekutibo na siya’y may sakit na maaaring makaapekto sa kanyang panunungkulan.

Giit ni Macalintal, kung may sakit man si Duterte, hindi dapat ang succession ang pag-usapan kundi dalangin para sa kanyang kalusugan.

Hirit nito, kung may sakit daw ba ang tatay ninuman ay pag-uusapan na ba kaagad kung sino ang magmamana at magkano ang mamanahin.

Read more...