DTI magpapatupad ng SRP sa manok at baboy

Kuha ni Jan Escosio

Magpapatupad na ng price control ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa karne ng baboy at manok bilang bahagi ng hakbang para sa price stabilization sa merkado.

Ipinaliwanag ni Trade Usec. Ruth Castelo na katuwang ng DTI ang Department of Agriculture sa pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa nasabing mga produkto.

Kaninang umaga ay lumagda na ng mga opisyal ng D.A at Dti sa joint memorandum circular para sa pagpapatupad ng price ceiling.

Nauna dito ay naglabas ang Malacañang ng memorandum order number 26 na naglalayong bantayan ang farmgate at retail prices ng ilang mga agricultural products.

Ipinaliwanag pa ni Castelo na ang SRP ay ibabase sa farmgate price at profit margin o iyung makatwirang tubo.

Ang halaga ng manok ay may patong na P50 ayon pa sa opisyal.

Inihalimbawa ng opisyal na sa halagang P75 para sa manok, isasama dito ang halaga ng dressing, bentahan at tubo ng retailer kaya maglalaro ang halaga nito sa consumer sa pagitan ng P120 hanggang P125 kada kilo.

Ang karne ng baboy na karaniwang may P70 na profit margin ay nangangahulugan na mula sa farmgate price na P130 ay aakyat ito sa P200 kada kilo maliban na lamang sa prime cuts.

Gayunman ay tiniyak ng DTI na magiging mahigpit pero makatwiran sila sa pagpapataw ng SRP.

Nilinaw rin ng opisyal na tinitingnan rin nila ang kapakanan ng mga negosyante kaugnay sa paglalagay ng price ceiling sa ilang mga produkto.

Read more...