Sangkaterbang mga high-end na baril ang nasabat sa isinagawang paggalugad sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP).
Kabilang sa mga nasabat ang mga high end na caliber .40, caliber .45 at mga shotgun at kahun-kahong mga bala ng armalite at 9mm na baril.
Itinago ang nasabing mga armas sa ilalim ng stage na pinagdarausan ng mga event ng mga preso sa dormitoryo ng commando.
Ibinalot sa plastic ang mga baril at nang buksan ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (Bucor) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsagawa ng Oplan Galugad ay tumambad sa kanila ang mga high-end o branded na mga armas.
Sa isang kubol na ininspeksyon ay may nahukay ring maraming baril na nakabalot sa plastic.
Inupuan kasi ng K9 unit na kasama ng mga tauhan ng Bucor ang loob ng kubol at nang isagawa ang paghuhukay, nakitang puro armas ang nasa ilalim nito.
Isasailalim sa imbentaryo ng Bucor ang nakuhang mga armas at iba pang ipinagbabawal na gamit sa loob ng bilibid.