Inihayag ng Palasyo ng Malacañang ang pasasalamat sa ipinapakitang kasiyahan ng sambayanang Filipino sa pamamalakad ng administrasyong Duterte.
Ito ay matapos lumabas sa third quarter Social Weather Stations survey ang +50 na net satisfaction rating ng mga Filipino sa kasalukuyang pamahalaan na may klasipikasyong ‘very good’.
Sa pahayag kahapon, araw ng Linggo, nagpasalamat si Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga Filipino.
Ani Roque, pinakamababa ang grado ng gobyerno sa paglaban sa inflation ngunit ang pangkalahatang kasiyahan naman ay nananatili sa ‘very good’.
Ito ay kahit na nararamdaman na anya ng mga tao ang pagsipa ng presyo ng mga produkto noong isinagawa ang survey.
Tiniyak naman ng kalihim na ginagawa ng Duterte administration ang lahat upang masiguro na huhupa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kabilang anya dito ay ang pag-angkat ng bigas upang masolusyonan ang kakulangan sa suplay na nagpapataas sa presyo ng mga bilihin.
Ang third quarter net satisfaction rating ng administrasyon ngayong taon ay mababa ng walong puntos kumpara noong Hunyo na nasa +58.