Andanar, nagsumite ng bagong proposal para ibalik ang Office of the Press Secretary

 

Nagsumite ng panibagong proposal si Presidential Communications Operations Office o PCOO Secretary Martin Andanar na ibalik na ang Office of the Press Secretary.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Andanar na isinumite na niya ang kanyang proposal kay Executive Secretary Salvador Medialdea at pinag-aaralan na aniya ito ng opisyal.

Ayon kay Andanar, bago pa man ipinanukala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na ibalik ang OPS, nagsumite na siya ng proposal noong 2016 kay Medialdea subalit naisantabi ito dahil sa dami ng trabaho.

Nakahanda rin si Andanar na magstep-aside o magpaubaya para ibigay kay Presidential Spokesman Harry Roque ang pagiging Press Secretary.

Patuloy aniya ang kanyang pagkumbinsi kay Roque na huwag nang tumuloy sa pagtakbong senador sa 2019 midterm elections at manatili na lamang sa Malakanyang.

Hindi naman matukoy ni Andanar kung saan siya ililipat pero siya’y nakahandang tumulong pa rin sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Read more...