Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa publiko na ipagdasal ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos kumpirmahin ng presidente na sumailalim siya sa endoscopy noong Miyerkules sa Cardinal Santos Medical Center.
Sa panayam sa Radio Veritas, sinabi ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles na dapat ipagdasal na makarekober ang pangulo.
Kailangan anya ito upang makabalik sa maayos na kalusugan ang pangulo nang sa gayon ay mapamunuan nito ang bansa.
Nangako rin si CBCP-Episcopal Commission on the Clergy Head at San Pablo Bishop Buenaventura Famadico na ipagdarasal din nila ang pangulo.
Ipinahayag ito Famadico sa pulong balitaan sa pag-arangkada ng pastoral visit ng heart relic ni Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.