Pinalilipat ng kulungan si real estate developer Delfin Lee sa isang detention facility na hawak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) mula sa kasalukuyang kinalalagyan niya sa Pampanga provincial jail.
Ito ang nilalaman ng petisyon ng judge na may hawak sa kasong syndicated estafa laban kay Lee sa ibang korte dahil umano sa special treatment na natatamasa nito sa kasalukuyang kulungan ngayon.
Kinumpirma ni provincial jail warden Edwin Mangaliman na ipinatawag siya ni Regional Trial Court Executive Judge Divina Aquino-Simbulan sa isang pagdinig sa November 9 hinggil sa petisyong inihain ni RTC branch 42 Judge Amifaith Fider-Reyes para ilipat si Lee sa BJMP facility sa Brgy. Telabastagan.
Ayon kay Reyes, ito ay matapos mabalitaan niyang nakakatanggap ng special treatment si Lee sa kaniyang piitan, ngunit wala naman nang ibang detalye tungkol dito na naibigay.
Samantala, humiling si Lee sa Office of the Court Administrator na pigilan ang pagpapalipat sa kanya dahil ito ay base lamang sa mga sabi-sabing kumalat sa pamamagitan ng anonymous letters.
Sabi ni Lee sa kaniyang mosyon, hindi magiging patas sa kaniya ang petisyon ni Reyes dahil maihahalo siya sa halos 100 kriminal, samantalang ni hindi pa aniya siya nasi-sintensyahan.
Matatandaang bilang presidente ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp. (GARHC), naakusahan si Lee ng pandaraya ng P7 bilyong PAGIBIG Fund sa pamamagitan ng ghost buyers o dobleng unit sales sa Xevera subdivisions sa Bacolor at Mabalacat City, Pampanga noong 2008.