6 arestado sa pagbebenta ng pekeng cedula

 

Nahuli sa isang entrapment operation ang anim katao dahil sa pagbebenta ng pekeng cedula o community tax certificates sa mga working students sa Maynila.

Nakilala ang mga suspek na sina Fernino Ortega, Aida Bona, Celia de Guzman, Jenny David, Diane Defeo at Lando Abaygar na naaresto kahapon sa Paredes St. malapit sa Taft Avenue at sa main office ng National Bureau of Investigation.

Nakuha ng mga pulis ang mga pekeng dokumento at apat na tig P50 na marked money na ginamit sa operasyon.

Ayon kay Cirilo Tobias Jr. na pinuno ng City Occupation Permit Office, karamihan sa mga dumulog na biktima ay mga estudyanteng ginamit ang mga cedula para sa paga-apply ng trabaho ngunit nalaman na peke pala ang mga ito.

Ani Tobias, P6 lamang ang singil ng lungsod sa cedula ngunit ang ibinayad ng mga estudyante ay mula P20 hanggang P50 kada dokumento.

Halos magkatulad ang peke at ang orihinal na cedula, maliban sa monetary entries na sulat kamay dahil sa orihinal na dokumento, ito ay typewritten na.

Read more...