Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na totoong nagre-recruit sila ng mga Lumad upang maging kasapi ng kanilang puwersa tulad ng naging pahayag ng Commission on Human Rights.
Ngunit, itinanggi naman ng AFP ang akusasyon na may kinalaman sila sa mga sinasabing paglabag sa karapatang pantao ng mga Lumad, maging ang pagpatay sa mga katutubo sa Mindanao.
Iginiit ng kanilang tagapagsalita na si Col. Restituto Padilla na wala silang ganoong ginagawa, at sakali mang mayroong sangkot na militar o pulis sa pagpatay sa mga Lumad, marapat lamang na sila ay maparusahan.
Ito ang isinagot ng AFP sa pahayag ng CHR na parehong may kinalaman sila at ang New People’s Army (NPA) sa pagre-recruit ng mga Lumad para maging kasapi nila at sa pagpatay sa mga katutubo.
Nanindigan naman ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na hindi ang pagre-recruit sa mga Lumad ang isyung dapat talakayin ng CHR, kundi ang resulta ng patuloy na pag-abuso sa kanila.
Inamin din ni Army spokesperson Col. Benjamin Hao na ginagawa ng mga ang pagre-recruit sa mga Lumad sa Mindanao bilang bahagi ng pagbibigay ng patas na oportunidad sa kanila ng pamahalaan.
Ani Hao, 5% sa kasalukuyang bagong salta sa kanila sa Eastern Mindanao ay mga miyembro ng mga tribo ng Lumad.
Depensa niya, hindi tulad ng sapilitang recruitment ng mga NPA, ang kanilang ginagawa ay kagustuhan rin ng mga pinuno ng mga Lumad.
Sa 85,000 na bilang ng Army, 200 dito ay mga Lumad, at sa 200 na iyon, 78 sa kanila ay mga officers habang enlisted personnel naman ang 122 na iba pa.