Nagsagawa ang Korte Suprema ng farewell ceremony para kay Chief Justice Teresita Leonardo de Castro.
Nakatakda na kasing bumaba sa pwesto si De Castro sa susunod na linggo matapos maabot ang mandatory retirement age na 70.
Dahil ito, sinuspinde ang pang-hapon na trabaho sa SC para bigyang-daan ang retirement ceremony.
Maliban sa mga justices, dumalo rin sa seremonya sina Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Justice Secretary Menardo Guevarra.
Imbitado rin sa seremonya ang pamilya ni dating Chief Justice Renato Corona.
Nang hingan ng farewell speech para kay De Castro, ibinida ni Guevarra ang naging legal at judicial career nito, maging ang pagmamahal at suporta sa pamilya.
Binati rin ng kalihim ang natapos at naging kontribusyon ni De Castro sa kaniyang 43 na araw bilang punong mahistrado.