NBI, inatasang imbestigahan ang tanim-bala scam

 

Maria Paz Triaz
Kuha ni Nancy Carvajal/Inquirer

Pinaiimbestigahan na ni Justice Sec. Alfredo Benjamin Caguioa sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tanim bala scam na nakapambiktima na umano ng maraming biyahero sa mga paliparan.

Inatasan ni Caguioa ang NBI na bumuo ng Special Task Force na may pitong operatiba mula sa Anti-Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) para magsagawa ng masinsin at malalimang imbestigasyon at case build-up hinggil sa kontrobersyal na scam.

Kahapon, nagtungo ang isang 34-anyos na si Josie Marie Paz Trias sa NBI-National Capital Region kahapon para idulog ang karanasan niya sa tanim bala scam.

Aniya nangyari ito noong October 27 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3, nang tutungo na sana siya, kasama ang kaniyang ina, lola at tiyuhin sa Singapore.

Sasamahan nila ang kaniyang lola na may leukemia at stage 4 breast cancer sa Singapore upang isailalim sa nakatakdang fluorescence in situ hybridization (FISH) panel test at para makapagpatingin sa isang hematologist sa Singapore General Hospital.

Nakitaan ng bala ang kaniyang bag nang idaan ito sa x-ray scanner ng paliparan, kaya sinabihan siya ng isang babaeng airport personnel na buksan ang kaniyang bagahe.

Sumunod naman si Trias at tinanggal ang mga laman ng kaniyang bagahe, ngunit nang tingnan ng airport personnel ang maliit na zipper ng bag na walang padlock, doon daw umano nito nakita ang bala at inilabas ito.

Hinala ni Trias baka nailagay ito sa kaniyang bag noong tinulungan niya ang kaniyang tiyuhin na ilipat ang ilan sa mga laman ng bag niya dahil masyado umanong mabigat, at habang ginagawa nila ito, hindi na niya napagtuunan ng pansin ang kaniyang sariling gamit.

Akala niya ay maiiwan na siya o kaya ay makukulong dahil sa nakitang bala sa kaniyang bagahe, at napansin niyang tila tumataas na ang presyon ng kaniyang ina at nagpa-panic na ang kaniyang lola na may sakit.

Sinabihan siya ng isa sa mga tauhan na may kakausap sa kaniyang opisyal, at doon na niya sinabing hihingi na siya ng tulong sa isang abogado at sa NBI.

Aniya, tila naalerto ang mga kausap niyang otoridad at iminungkahi na pag-usapan na lamang ito para maayos.

Nagpaliwanag si Trias na wala siyang dahilan para magdala ng bala dahil sasamahan lang naman nila ang kaniyang lola sa ospital.

Nag-alok ang opisyal na pakakawalan na lamang sya at palalabasin na lamang na anting anting ang kaniyang dalang bala.

Pagkatapos nito aniya, pinapirma siya sa isang logbook bago sila pinayagang tumuloy na sa kanilang biyahe.

Nakabalik sa bansa si Trias noong gabi ng October 31 at nagsumbong sa NBI Martes ng hapon.

Ayon sa isang NBI officer, kukuhanin nila ang pahayag ni Trias at makikipag-ugnayan sa mga airport police upang subukang makakuha ng kopya ng close circuit television (CCTV) video upang matukoy ang mga suspek.

Read more...