Ayon sa rekord ng Aviation Security Group-National Capital Region, huling nahulihan ng bala ang 77-anyos na si Santiago Peñaflorida.
Nakita sa x-ray screening sa NAIA terminal 2 dakong alas 6:00 ng gabi, Martes ang hugis ng isang bala sa loob ng nakapadlock na backpack nito.
Dahil sa insidente, nagwala ang anak ni Peñaflorida na kasama nito sa airport at inakusahan ang mga tauhan ng Office of Transportation Security na nagtanim ng bala sa bag ng kanyang ama.
Nabuksan lamang ang bag ni Peñaflorida nang dumating ang mga miyembro ng media at dito nakuha ang isang .32 caliber na bala.
Paliwanag ni Peñaflorida, nanggaling sila ng Iloilo airport ngunit wala namang nakitang bala sa security doon.
Samantala, inimbestigahan rin si Marilou Rose Espanola, 27 anyos, na byahe sang Bacolod sa NAIA Terminal 3 dakong alas 6:30 ng umaga ng Martes, na kinakitaan din ng hindi natukoy na kalibre ng bala sa checkpoint ng departure area sa NAIA Terminal 2.
Paliwanag naman ni Espanola, napulot niya lamang ang bala at nabitbit sa kanyang bag.
Alas 2:00 naman ng hapon, isang 33-anyos na si Rowena Otic naman na inihatid lamang ang kanyang kapatid sa airport ang nakumpisakahan ng dalawang .38 caliber na bala sa kanyang pulang pouch.
Paliwanag ni Otic, pangontra lamang sa masasamang elemento ang kanyang bitbit na bala.
Alas 4:00 ng hapon, pinigil din ng airport security si Milagrosa Cadiente 48, sa gate 6 ng NAIA Terminal 3 matapos makita ang isang .9mm caliber na bala na kanya umano ring ginagamit bilang anting-anting sa kanyang wallet.
Susunduin lang sana ni Cadiente ang kanyang boss na manggagaling ng Japan nang masita.
Sa Lagundingan airport naman sa Misamis Oriental, anim na bala ang nakumpiska sa isang lalakeng negosyante.