Gusto ni Senador Bam Aquino na sa pagpasok ng bagong taon ay suspendido na ang P2 levy sa mga produktong langis.
Ito ang nakikitang paraan ni Aquino para matapyasan ang lumulobong halaga ng mga produktong petrolyo.
Aniya sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, nakasaad na kapag lumagpas na sa USD80 ang halaga ng langis sa pandaigdigang merkado ay dapat ay kumilos na ang gobyerno.
“Kasabay ng pagtutol ko sa TRAIN Law noon, nagpasok tayo ng amyenda na magsisilbing pang-preno sa nakatakdang round 2 ng taas-buwis para protektahan ang masasagasaang Pilipino,” ani Aquino.
Hiniling na ni Aquino sa Department of Finance (DOF) na gumawa ng proseso para masiguro na may sasangga para sa mga mamamayan sa pagsirit pa ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
Pangamba nito ngayon bugbog na ang taumbayan sa taas ng mga bilihin baka malugmok na ang mga ito sa bagong taon kung hindi pa tatapakan ng gobyerno ang preno para pigilin ang paglobo ng mga presyo.