Kapwa hindi pabor sina Senador Koko Pimentel at Kiko Pangilinan sa gusto ni Department of the Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año na agad idiskwalipika ang mga kakandidato sa 2019 midterm elections na iniuugnay sa droga.
Ayon kay Pimentel na siyang pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), masyadong mabigat ang gusto ni Año.
Ngunit ayon kay Pimentel, sinasala din nila nang mabuti ang mga nais pumasok sa kanilang partido.
Sa panig naman ni Pangilinan na siyang pangulo ng Liberal Party, ang tamang hakbang ay sampahan ng kaso ang mga kandidato na sinasabing nasa narco list o iniuugnay sa operasyon sa droga.
Ayon sa dalawang pinuno ng dalawang partido, dapat itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga kwalipikadong kumandidato sa eleksyon at hayaan na ang korte ang humatol kung sila man ay kakasuhan.