Pagdadawit sa mga unibersidad sa Red October kinundena ng Makabayan bloc

Binatikos ng Makabayan bloc sa Kamara ang ginawang pag-uugnay ng militar sa 18 unibersidad sa tinaguriang Red October.

Ayon kay Kabataan Representative Sarah Elago, masyadong nakatuon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-uugnay sa mga unibersidad sa Red October.

Sinabi nito na hindi malayong iugnay ng militar ang sunud-sunod na bomb threat sa mga kilalang pamantasan na agad na sinundan ng paratang ng AFP na may kaugnayan sa mga komunista.

Ang mga pagkilos aniya at ipinaglalaban ng mga estudyante tulad ng libreng edukasyon, genuine agrarian reform, pagbaba ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay lehitimong dahilan at hindi pwede ikabit sa pagpapatalsik sa pangulo.

Iginiit nito na sa halip na tugunan ang mga problemang isinisigaw ng mga estudyante ay lumilikha pa ng takot at pangamba sa mga kabataan ang pamahalaan.

Ayon naman kay Anakpawis Representative Ariel Casilao, malinaw na pilit inililihis ng gobyerno sa pamamagitan ng Red October ang mga problema ng bansa tulad ng lumalalang krisis sa ekonomiya.

Read more...