Inamin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Carlito Galvez na kinumkumpirma pa lang nila ang listahan ng mga eskwelahan na umanoy sangkot sa Red October plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Galvez, nasa proseso pa lang sila ng validation sa listahan ng mga unibersidad na umanoy may kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Pero sinabi ng AFP chief na talagang may nakita silang indikasyon na may eskwelahan na may marahas na pagsasalarawan ng pagiging aktibista.
Tila nasa red line na aniya ng seditious acts ang nakita nilang indikasyon.
Paliwanag pa ni Galvez, batay sa nakuha nilang dokumento mula sa Communist Party of the Philippines (CPP), bubuo ang grupo ng malawak na koalisyon ng mga estudyante at mga miyembro ng youth, labor, peasant at indigenous groups.
Binanggit din nito ang natanggap nilang text message mula sa magulang na pinapatingnan umano sa militar ang umanoy pag-brainwash sa mga estudyante kaugnay ng Martial Law sa pamamagitan ng film showing.