Inatasan ni Ombudsman Samuel Martires si resigned PCOO Assistant Sec. Mocha Uson na magsumite ng komento kaugnay sa mga reklamong kinakaharap nito sa Office of the Ombudsman.
Maliban kay Uson, pinagkokomento rin ang dati nitong boss sa PCOO na si Sec. Martin Andanar.
Kabilang sa mga reklamong inihain sa Ombudsman laban kay Uson ay may kinalaman sa kontrobersyal na “Pepe-dede-ralismo” dance campaign at paglapagstangan umano sa sign language, kung saan kasama niya ang kanyang BFF na vlogger na si Drew Olivar.
Ayon kay Martires, noong September 28, 2018 pa hiniling ng Ombudsman kay Uson na magkomento ukol sa mga nabanggit na reklamo.
Pero kahapon ay inanunsyo ni Uson ang kanyang pagbibitiw sa pwesto.
Gayunman, iginiit ni Martires na sa general rule, ang resignation ni Uson o ng sinumang opisyal ng gobyerno ay hindi maituturing na lusot mula sa criminal and administrative proceedings.
Ibig sabihin ay tuloy pa rin ang imbestigasyon ng anti-graft body laban kay Uson, kahit pa hindi na siya opisyal ng administrasyon.