Irerekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) na idiskwalipika na makatakbo sa 2019 elections ang mga personalidad may kinakaharap na kaso o reklamo kaugnay sa isyu ng Boracay.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, magsusumite ang ahensya ng proposal sa COMELEC na kung maaari ay i-disqualify na ang mga kandidatong may nakabinbing reklamo, gaya ng mga opisyal ng Aklan na sinasabing may pananagutan kaya napabayaan ang Boracay.
Nauna nang sinabi ni Año na hindi na dapat hayaang makasabak sa halalan ang mga personalidad na may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay Año, nasa 17 lokal na opisyal ng Aklan ang sinampahan ng kriminal at administratibong kaso dahil sa pagpapabaya umano sa isla.
Kabilang dito si Aklan Governor Florencio Miraflores, Malay Mayor Ciceron Cawaling, Malay Vice Mayor Abram Sualog, at iba pang mga local official at local environment officers.
Matapos ang nasa anim na buwan na rehabilitasyon ay nakatakdang magbukas muli sa publiko ang Boracay sa October 26, 2018, pero may soft opening na sa October 15, 2018.