Naniniwala si Sen. Nancy Binay na sinayang lamang ni Mocha Uson ang pagkakataon na mapatunayan ang sarili sa kanyang mga kritiko dahil sa pagbibitiw nito sa kanyang pwesto.
Ayon sa senador, ang budget hearing ay oportunidad sanang maipakitang ‘deserving’ siyang matawag na assistant secretary ngunit hindi niya ito ginawa at pinili na lamang na magbitiw.
Gayunman, hinimok naman ni Binay ang lahat na respetuhin na lamang ang desisyon ng dating opisyal.
Matatandaang isa si Binay sa mga senador na naging ‘vocal’ laban kay Uson at hinimok ito na mag-isip nang maigi kung paiiralin ang pagiging blogger o opisyal ng gobyerno.
Iginiit ni Binay na karapatan ng Kamara na hanapin si Uson sa budget hearing dahil bahagi ito ng pagiging kawani ng pamahalaan kung saan lahat ay sumasailalim sa interogasyon.
Anya, hindi naman personal ang mga itatanong kay Uson at bahagi ito ng kanyang trabaho bilang assistant secretary lalo’t pera ng taong bayan ang gagastusin ng kanyang opisina.
Hindi naman takot si Binay sa naging babala ni Uson kahapon laban sa kanyang bashers.
Anya, bahagi na ng kanyang trabaho na mabatikos at masiraan at kanya na anya itong nakasanayan.