Mocha Uson hindi pinuwersang mag-resign ayon sa Malacañang

Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw ni Presidential Communications Operations Office Asec. Mocha Uson.

Sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na kahapon pa niya iniabot sa pangulo ang resignation letter ni Uson.

Dagdag ni Go, bago pa man nagsumite ng resignation letter, tinawagan na siya ni Uson habang nasa New York at dumadalo sa United Nations General Assembly.

Hindi naman aniya irrevocable resignation ang ipinasa ni Uson subalit nakasaad sa kanyang liham na ayaw na raw niyang maging pabigat sa administrasyon.

Nilinaw naman ni Go na wala sa sangay ng ehekutibo ang nag-pressure kay Uson para magbitiw sa puwesto.

Ayon kay Go, nagpapasalamat ang administrasyon sa serbisyo na ibinigay ni Uson lalot naging mabuti itong kaalyado ng pangulo.

Nagpaabot din ang malakanyang ng good luck kay Uson sa kung anong hakbang ang susunod na tatahakin nito.

Matatandaang lumakas ang panawagan ng pagbibitiw ni Uson nang maging kontrobersyal at maging viral video ang pagpo-promote sa isyu ng pederalismo gamit ang maseselang bahagi ng katawan ng babae

Noong May 8, 2017 ay itinalaga ni Duterte si Uson sa PCOO.

Pero bago ang kanyang appointment sa  PCOO, itinalaga muna ng pangulo si Uson bilang board member ng Movie Television Review and Classificiation Board (MTRCB).

Read more...