Sa halip na magkansela ng napakaraming flights sa panahon ng APEC summit, mas mabuting gamitin ang Clark International Airport para sa mga maaapektuhang biyahe.
Ito ang panukala ni Renato Diaz, Chairman ng Center for Strategic Initiative (CSI) at dating miyembro ng Civil Aeronautics Board (CAB). Ani Diaz kaysa maperwisyo ang daan-daang mga pasahero sa loob ng ilang araw.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Diaz na masyadong congested ang Ninoy Aquino International Airport habang ang Clark naman ay nananatiling maluwag.
Maari nga aniyang ang mga nagbabalikbayan na taga Mindanao at Visayas ay sa Clark na lumapag at doon na rin sumakay pauwi sa mga lalawigan sa halip na magtungo pa sa Metro Manila.
Ayon kay Diaz, may sapat na panahon pa ang pamahalaan para pag-isipan na gamitin ang Clark Airport bago ang APEC summit. May kapangyarihan aniya ang CAB na ipag-utos na ilipat muna sa Clark ang mga apektadong biyahe.“Bakit pinipilit nating dadaan pa sa Manila, pwede naman from Clark diretso na sa Mindanao sa Visayas. Nasa kapangyarihan po ng CAB iyan na iutos na maglipat ng flight doon sa Clark,” ani Diaz.
Dagdag pa ni Diaz, ang APEC summit at nation sa ‘peak season’ sa pag-uwi sa bansa ng mga OFWs na magbabakasyon, kaya sila ang labis na apektado ng kanselasyon ng flights ng maraming airline companies.
Base sa abiso ng Philippine Airlines aabot sa 115 na domestic at 96 na international flights ang kanilang ikakansela sa Nov. 15 hanggang sa 20.
Habang ang Cebu Pacific Air naman ay magkakansela ng 260 flights, kung saan 26 dito ay international flights.