Target ng House Dangerous Drugs Committee na tutukan ang nadiskubreng sabwatan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP) sa pagpupuslit ng droga.
Ayon sa pinuno ng komite na si Surigao Representative Ace Barbers, nais nilang malaman sa susunod na pagdinig ang sinasabing sabwatan nina dating Customs intelligence officer Jimmy Guban, nasibak na PDEA Deputy Chief Ismael Fajardo at dismissed Police Senior Superintendent Eduardo Acierto.
Maaari aniyang modus o sinadya ang pag-abandona sa mga nasabat na droga sa Manila International Container Port (MICP) upang magkaroon ng accomplishment ang tatlo.
Sinabi ni Barbers na lumabas na tanging ang tatlo lamang ang nakakaalam sa pagpasok at paglabas ng natuklasang P4.3 bilyong shabu na nadiskubre sa magnetic lifters sa MICP.
Kapareho aniya ito sa magnetic lifters na natagpuan sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite.