Kinalampag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga alkalde sa buong bansa ukol sa panukalang i-ban na ang pagdaan ng mga pedicab at tricycle sa mga national highway.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, hindi dapat dumadaan ang mga pedicab at tricycle sa mga national highway, na daanan talaga ng mga 4-wheel na mga sasakyan gaya ng mga kotse at mga truck, at kung saan ang karaniwang speed ay higit 40 kilometers kada oras.
Giit ni Año, kailangan nang magkaroon ng regulasyon sa mga bumibiyaheng pedicab at tricycle para na rin sa kapakanan ng lahat lalo na ng mga pasahero.
Aniya, batid ng pamahalaan na ang operasyon ng mga pedicab at tricycle ay nagbibigay ng trabaho sa marami, pero sadyang mapanganib din para sa mga drayber kung makikipagsabayan ang mga ito sa mas malalaking sasakyan sa mga national highway.
Payo ni Año sa mga alkalde, sa Metro Manila man o sa mga lalawigan, ang mga pedicab at tricycle ay hanapan ng alternatibong ruta kung saan mas ligtas silang makakabiyahe.