Kinalampag ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang Kamara upang gawing prayoridad ang mga panukala upang masolusyunan ang problema sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Zarate, kailangang madaliin ng Kamara ang pagpapatibay ng kanilang mga inihaing panukala upang hindi manatiling hawak sa leeg ng mga oil cartel ang bansa.
Kabilang sa mga panukala ang pagbabalik ng regukasyon ng langis, muling pagbili sa Petron at ang pagpapatupad ng centralized procurement ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Zarate na 95% ng mga kailangang produktong petrolyo ng bansa ay inaangkat kaya tali ang publiko sa idinidikta ng mga higanteng transnational oil companies.
Kung mapapasakamay aniya muli ng gobyerno ang Petron, magagawa ng estado na impluwensyahan din ang merkado sa pagpresyo ng langis at magkakaroon ng panglaban ang pamahalaan sa oil cartel.
Kapag naisakatuparan naman ang centralized procurement ng langis ay magkakaroon din ng buffer supplies ng produktong petrolyo ang bansa.